Patay ang isang transgender matapos umanong ilang ulit na pinagtataga sa Bolinao, Pangasinan nitong Martes. 

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Jestoni Remiendo, 29, residente ng Barangay Pangapisan sa Alaminos.

Natagpuan ang bangkay ni Remiendo sa isang resort sa Barangay Patar. Nakitang may tama ang biktima sa leeg at sa may kanang mata na nagdulot ng kaniyang pagkamatay.

Kinilala naman ng mga awtoridad sina Isagani Dollaga at Michael Orpano bilang suspek sa insidente. Inihahanda na ng pulisya ang pagsama ng kasong pagpatay laban sa kanila.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay kay Remiendo.  —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News