Walang saplot pang-ibaba at nakagapos ang kamay ng isang babae nang matagpuan sa isang motel sa Misamis Oriental, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.
Pasado 10 p.m. ng gabi noong Miyerkoles nang mag-check in ang biktimang si Samirah Marayan kasama ang isang lalaki.
Pagkatapos ng mahigit isang oras, mag-isang lumabas ang lalaki at 'di na bumalik sa motel
Nagduda ang mga attendant nang hindi lumabas para mag-check out ang guest.
Sinubukan pa raw nilang tawagan ang cellphone number na naka-register pero walang sumasagot, kaya sapilitan na nilang binuksan ang pinto ng kuwarto.
Doon na nila nakitang patay na si Marayan.
Ayon sa pulisya, posibleng pinatay sa sakal ang biktima batay sa pasa sa kanyang leeg.
Tinutugis na ang lalaking huling nakasama ni Marayan. —KBK, GMA News
