Nasawi ang dalawang menor de edad nang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Dolores, Abra.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing kaagad na nasawi ang dalawang biktima nang bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang dump truck.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na umuulan nang mangyari ang insidente at basa ang kalsada.

Nawalan umano ng kontrol ang rider sa motorsiklo at nagpagewang-gewang ang takbo nito hanggang sa sumalpok sa truck.

Sumuko naman ang driver ng truck at sinabing sinubukan niyang iwasan ang motorsiklo.

Desidido umano ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng reklamo laban sa driver ng truck.--FRJ, GMA News