Laking gulat at takot ng isang driver at kaniyang kasama nang makita nilang may bangkay ng lalaki na inilagay sa loob ng kanilang nakaparadang sasakyan sa Asingan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Nacalinao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng magtiyuhin na itinago sa pangalang Mark at Gabriel, na ipinarada nila ang kanilang sasakyan para magpunta sa bukid upang asikasuhin ang tanim nilang palay.

"Pumunta po kami sa bukid para mag-spray ng palay. Nung mga alas-kuwatro ng hapon bumalik po kami sa sasakyan namin, nagulantang na lang po kami nakita namin may tao sa loob ng sasakyan namin," ayon kay Mark.

Nakabalot ng masking tape sa mukha ng biktima, nakatali ang mga paa at may tama ng bala sa ulo at tiyan, ayon sa awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilan ng biktima at kung sino ang nasa likod ng krimen. --FRJ, GMA News