Hawak na ng Rizal police ang kopya ng CCTV video ng ospital kung saan pinagbabaril ang isang pasyente na unang nakaligtas sa pamamaril sa Angono.

Hinihinalang biktima ng extrajudicial killing si Vincent Adia, na iniwanang duguan at may mga tama ng bala sa isang kalye na nagdudugtong sa Angono at Antipolo.

May nakita pang karton sa kaniyang tabi na may nakasulat na, "pisher ako."

Nagpanggap na patay si Adia hanggang sa makita ng mga kagawad ng barangay at dinala sa Rizal Province hospital nitong Miyerkules ng madaling araw.

Naisalba ang buhay ni Adia at nagpapagaling na nang dumating ang isang salarin sa ospital nitong Huwebes ng tanghali at muli siyang pagbabarilin.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing dumaan ang salarin sa emergency exit ng ospital para makapasok at hindi sa mismong harapan.

Ayon kay Police Major Richard Corpus, hepe ng Angono police, dalawang beses binaril sa loob ng ospital si Adia, at saka tumakas ang salarin sakay ng naghihintay na motorsiklo.

Mismong ang Rizal provincial police na umano ang magsisiyasat sa insidente at bumuo ng isang special investigation group.

Aalamin kung nagkaroon ng pagkukulang ang mga pulis sa pag-iwan sa biktima kaya nakasalisi ang salarin.

Paliwanag naman ng pulisya, iniwan ng pulis si Adia para sunduin ang kamag-anak ng biktima.

"Noong nakaalis 'yung mga pulis natin within five to 10 minutes para sunduin 'yung pamilya sa Antipolo, biglang sumalisi naman itong suspek na naka-shorts, naka-black t-shirt, naka-mask and then pumasok sa hallway, then pumasok sa emergency room, nilapitan ang biktima, binaril nang dalawang beses," sabi ni Corpus.

Samantala, nabigo namang maipakita ang laman ng CCTV ng ospital at hindi ito nai-play sa ipinatawag na command conference.

"Nag-comply na ang ospital, iche-check lang namin, ibabalik at hindi lang medyo ma-play 'yung sa CCTV," ani Corpus.

Kabilang naman sa aalamin ng mga awtoridad ay kung may kinalaman ang insidente ang pagkakasangkot umano ni Adia noon sa isang robbery-holdup group.

Ayon kay Corpuz, "isolated case" ang nangyari sa ospital at marami umanong pasyente sa pagamutan nang mangyari ang pamamaril.

Samantala, pinaiimbestigahan na ni PNP chief Police General Camilo Cascolan ang ilang Angono-Police.

"We will have to investigate bakit hindi sila nag-iwan? Because they were thinking already that everything was done for its best efforts," sabi ni Cascolan.

Nagpa-deploy na rin ang Commission on Human Rights ng kanilang Quick Response Team para mag-imbestiga.--Jamil Santos/FRJ, GMA News