Isang dating barangay chairman ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa harap mismo ng kaniyang anak sa Guipos, Zamboanga del Sur.

Ayon sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad nasa trabaho sa ginagawang kalsada ang biktimang si Junmar Pintac nang dumating ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo.

Tinawag ng isa sa mga salarin ang biktima at nang lumapit si Pintac ay saka siya pinagbabaril nang malapitan.

Kaagad na nasawi ang biktima dahil sa walong tama ng mga bala sa katawan.

Ayon sa anak ng biktima, wala siyang alam na kaaway ng kaniyang ama.

Inaalam pa ng pulisya ang motoibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News