Nadakip sa Tondo, Maynila ang isang 18-taong gulang na lalaki na suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang limang-taong-gulang na babae sa Naic, Cavite noong nakaraang taon.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dinakip si Serge Mangampo ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Miyerkoles ng gabi, sa bisa ng warrant of arrest.

Labing-pitong-taong gulang pa lang si Mangampo nang gahasain, patayin at saka inilagay sa plastic bag ang batang biktima sa Naic.

"'Yung last na nakitang kasama ng bata bago siya nawala ay 'yung suspek na naaresto natin. Nu'ng hinanap na siya ng mga kapulisan, tumakbo po 'yan dito sa may Tondo, doon na siya nagtago," sabi ni NCRPO Chief Major General Debold Sinas.

Nahuli si Mangampo ng mga awtoridad matapos siyang manmanan dahil sa ilegal na droga.

"Kasi itong si Serge, karakter nito pasaway. Palaging nire-report ng mga kapitbahay na nanggugulo at nai-involve sa mga small-time drugs at tsaka user," dagdag ni Sinas.

Ikinagalak ng ama ng biktima ang balitang nadakip na ang suspek, na umpisa ng pagkamit nila ng hustisya.

Sinubukang kunan ng GMA News ng panayam si Mangampo pero dinala na ito sa Naic para sa imbestigasyon. --Jamil Santos/FRJ, GMA News