Basta may kasamang nakatatanda, puwede nang pumasok sa mga mall sa Cavite ang mga batang edad 10 pataas.

Inihayag ito ni Cavite Governor Jonvic Remulla nitong Huwebes sa kaniyang Facebook post.

"Ang mga accompanied minors na puwede pumasok ng mall must be 10 and above," anang gobernador ng Cavite na nakapailalim sa modified general community quarantine o MGCQ.

Puwede rin mag-mall na ang mga senior citizen kahit walang kasama.

Nitong Miyerkules, inihayag ng Department of Health ang pagtutol na payagan nang mag-mall ang mga menor de edad dahil sa banta ng COVID-19.

Ang mga alkalde sa Metro Manila na nakapailalim pa sa GCQ, nagpasyang huwag na munang payagan ang mga menor de edad na papasukin sa mall.--FRJ, GMA News