Maghihigpit sa pagbabantay ang mga awtoridad sa isang barangay sa Malolos, Bulacan matapos na matagumpay na mapasok ng magnanakaw ang anim na bahay sa loob lang ng magdamag.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing aabot sa P100,000 pera at ari-arian ang natangay ng kawatan sa anim na bahay na kaniyang pinasok sa Barangay Look 1st.

ALAMIN: Ano ang dapat gawin kapag napasok ng kawatan ang inyong bahay?

Sinabi ng may-ari ng isa sa mga bahay na nilooban, nakapasok ang kawatan sa pamamagitan ng pagdaan sa bubungan at sinira ang kanilang kisame.

Ayon sa isang barangay kagawad, hindi gumagana ang CCTV sa lugar na pinangyarihan ng mga nakagawan na makatutulong sana sa imbestigasyon.

Pag-iibayuhin daw ang pagroronda sa lugar at magsasagawa rin ng oplan sita.--FRJ, GMA News