Isang lalaki sa Gitagum, Misamis Oriental ang nabalian ng paa matapos salpukin ng ambulansiya ang isang waiting shed kung saan siya naroon, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Martes.

Nakatayo lang sa waiting shed si John Mark Dial, 18, nang masagasaan ng ambulansiyang papunta sana sa barangay hall para kumuha ng gamit para sa health center.

Nadamay din sa aksidente ang ilang motorsiklo.

Nawalan umano ng kontrol ang driver habang papaliko ito at sumalpok sa waiting shed. Ayon sa driver, dumulas ang paa niya pag-apak niya sa preno at umapak ito sa accelerator.

Halos mawalan daw ng malay ang biktima matapos mabalian ng paa. Agad naman siyang naisugod sa ospital. —KBK, GMA News