Nabisto ang isang call center agent sa Bacolod City na nag-iingat ng ilegal na baril matapos humingi ng tulong ang kaniyang katrabaho na tinangka raw nitong halayin.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabi ng awtoridad na nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 na baril at mga bala nang humingi ng tulong ang kaopisina nitong babae.

Sinampahan ng pulisya ng reklamong illegal possession of firearms and ammunition ang call center agent.

Samantala, hihintayin naman ang pasya ng katrabaho niyang babae kung magsasampa rin ng hiwalay na reklamo sa tangkang panghahalay na ginawa sa kaniya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News