Patay ang isang ginang matapos siyang pukpukin ng martilyo ng sarili niyang asawa sa Polomolok, South Cotabato. Ang ugat ng kanilang pag-aaway, dahil umano sa selos.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na nagtalo ang biktimang si Shiela at mister niyang si Ricky Penido nitong Lunes.

Sa tindi ng galit ng mister, pinukpok umano nito ng martilyo sa ulo ng kaniyang asawa.

Nagawa pang makatakbo ni Shiela pero inabutan siya ng mister, at ilang ulit pa siyang pinukpok ng martilyo sa dibdib.

Tumakas si Ricky pero naaresto rin ng mga pulis kalaunan.

Dead on arrival naman sa ospital ang biktima.

Sinabi ng kapatid ng biktima na madalas na sinasaktan ng suspek si Shiela.

Pinayuhan na raw nila noon ang biktima na iwan na ang mister.

Sinampahan na ng kasong parricide ang suspek na hindi pa nagbibigay ng pahayag. --Jamil Santos/FRJ, GMA News