Nasawi ang isang ginang matapos umanong pagbuhatan ng kamay ng asawa niyang pulis sa Koronadal City, South Cotabato.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Davy Joy Habagat, na nakaranas daw ng pang-aabuso umano sa kaniyang asawa.

Ayon sa ina ng biktima, inireklamo ng kaniyang anak na nakaramdam siya ng matinding pananakit ng ulo matapos siyang pagbuhatan ng kamay ng mister noong isang linggo.

Hinimatay ang biktima kaya isinugod pa ito sa ospital, pero idineklara na siyang dead on arrival.

May pasa at pamamaga sa iba't ibang parte ng katawan ang nakita sa biktima.

Patuloy na hinahanap ngayon ang mister na tumakas matapos malaman ang nangyari sa asawa. --Jamil Santos/KBK, GMA News