Naaresto sa entrapment operation ang isang nurse na umano'y aborsiyonista sa  Laoag City, Ilocos Norte. Ang suspek, dati nang naaresto sa katulad na kaso.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabing nakuha sa suspek ang isang set dextrose, gamot na karaniwang ginagamit na pampalaglag, at iba pang kasangkapan.

Nabawi rin sa suspek ang P10,000 na ginamit na pera sa isinagawang entrapment operation.

Pero giit ng suspek, wala namang nangyaring abortion nang arestuhn siya.

Inamin naman niya na dati na siyang naaresto noong 2016 dahil din sa reklamong abortion pero nabasura ang kaso.

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang suspek.--FRJ, GMA News