Patay ang magkapatid na menor de edad matapos masunog ang kanilang bahay sa Tubod, Lanao del Norte, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang mga biktima na sina Junifer, 4, at Jan Michael Gargoles, 3, na naiwan daw sa bahay matapos magtrabaho ang kanilang mga magulang.

Nakakandado raw ang pinto ng bahay gamit ang kadena ng aso.

Bagama't nakita ng ama mula sa pinagtatrabahuhang bukid ang pagsiklab ng apoy, hindi na niya nailigtas ang dalawa niyang anak.

Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog. --KBK, GMA News