Nasawi ang dalawang magkaibigan matapos silang malunod sa dagat sa harap ng beach resort na kanilang tinutuluyan ngayong Pasko sa Manjuyod, Negros Oriental.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend ng GMA News nitong Sabado, kinilala ang magkaibigan na sina Junmar Dagle at Samjun Lara, na mga wala nang buhay nang matagpuan.

May kasama silang isa pang kaibigan nang mangyari ang insidente.

Ayon sa nakaligtas na kaibigan, nagkayayaan sila sa beach resort para ipagdiwang sana ang Pasko.

Sinabi naman ng Manjuyod Police na walang lifeguard ang resort.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamunuan ng resort. —Jamil Santos/KG, GMA News