Isang babaeng edad 12 anyos ang nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa Lanao del Norte, ayon kay Police Brigadier General Ildebrandi Usana, tagapagsalita ng Philippine National Police.

Sa isang press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Usana na naglalaro lang ang bata sa labas ng kanilang bahay nang bigla na lang itong natumba.

Napag-alaman na sa ulo tinamaan ang biktima ng ligaw na bala. Inaalam na ng mga pulis kung saan nagmula ang bala.

Bukod sa batang babae, dalawa pang biktima ng stray bullet ang naitala -- isa sa Dagupan at isa sa Negros Oriental. Kapwa sugatan ang dalawang biktima. --KBK, GMA News