Inaresto ng mga awtoridad sa Nueva Ecija ang isang lalaki matapos itong magpasok umano ng katana, baril at patalim sa loob ng isang simbahan sa bayan ng Zaragoza.

Ang suspek, isang 29-anyos na lalaki, ay nagpasok umano ng mga nasabing bagay sa San Vicente Parish Church, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

Nagdulot ng takot sa mga nagsisimba ang lalaki na unang nakitaan umano na may dalang bolo.

Nang puntahan ng mga pulis, nakitang mayroon din umanong dalawang kalibre .38 na baril, mga bala, dalawang bolo, katana at tatlong plastic na sachet ng hinihinalang shabu ang suspek.

Patuloy na iniimbestigahan ng Nueva Ecija Police Provincial Office ang insidente.

Nasa Zaragoza Municipal Police Station detention cell naman ang suspek na mahaharap sa mga kaso tulad ng paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). —KG, GMA News