Patay ang isang rider matapos siyang pumagitna sa puno at isang truck na nadamay sa karambola ng 10 sasakyan sa Pamplona, Camarines Sur.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing isang truck ang nawalan ng preno kaya sumalpok ito sa ilang sasakyan at motorsiklo, base sa imbestigasyon.

Napunta ang truck sa kabilang lane at tumama pa sa ibang sasakyan.

Bumangga rin ang truck sa rider, na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Dinala sa ospital ang mga sugatan, habang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng truck.

Hindi nagbigay ng pahayag ang driver.

Sa Calamba, Laguna, isang trailer truck naman ang sumagasa sa pitong sasakyan.

Batay sa imbestigasyon, mabilis ang takbo ng trailer truck.

"Allegedly ito pong isang trailer truck, eh nawalan ng preno," sabi ni Jeffrey Rodriguez, residente.

Binangga ng trailer truck ang isang cargo truck na may dalang mga motorsiklo, isang kotse at limang tricycle.

Walang naitalang nasaktan, bukod sa mga driver ng dalawang truck. Isinugod sila sa ospital. —LBG, GMA News