Pinagbabaril sa loob ng gate ng kaniyang bahay sa Mangaldan, Pangasinan ang isang 39-anyos na babae na dalawang linggo pa lang na nakakapanganak. Ang suspek, ang dati niyang karelasyon at ama ng bata.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Maria Teresa Ambas, ng Barangay Macayug, Mangaldan.

Ayon sa tiyuhin ng biktima na si Samuel Abrio, nagpapahinga siya sa kaniyang bahay na ilang metro lang ang layo sa biktima nang makarinig siya ng malalakas na putok.

Nang puntahan niya ang bahay ng pamangkin, nakita niyang nakahandusay na ito sa semento sa loob ng compound ng bahay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na suspek sa krimen ang dating karelasyon ni Ambas na si Rommer Gonzales, 40-anyos.

Nakipaghiwalay umano ang biktima sa suspek bago manganak dahil malaman nito na mayroon ibang karelasyon na babae si Gonzales.

"Yung isang motive ng pagpatay yung love triangle. Saka yung anak ng babae na namatay yung bata. Kasi yung suspek gusto niyang kunin yung anak niya," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jun Wacnag, hepe ng Mangaldan Police.

"Tinawagan muna yung babae na biktima, pinapalabas [ng bahay]. Pero yung babae kasi kapapanganak lang dalawang linggo, mahihirapan siya, ayaw ng babae na lumabas. And then yung suspek ayun pinasok na dun sa bahay [sa compound]," dagdag ng opisyal.

Naaresto ang suspek sa bahay ng babae na umano'y bago nitong karelasyon.
Hindi nagbigay ng pahayag ng suspek pero itinanggi raw nito sa pulisya na may kinalaman siya sa krimen.

Sinampahan ng kasong murder ang suspek.--FRJ, GMA News