Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa loob ng drum sa bayan ng Mabitac sa lalawigan ng Laguna.

Iniulat ng “Unang Balita” nitong Biyernes na napansin ng nakakita na residente ang drum malapit sa isang creek, at kung saan nagmula ang masangsang na amoy.

Ipinagbigay-alam umano kaagad ng nakakita ng drum ang tungkol dito.

Nakasemento ang loob ng drum kaya binakbak na ito ng mga taga-barangay at nadiskubre ang bangkay ng tao sa loob nito.

Napag-alaman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na may tama ng bala sa bibig, dibdib at likuran ang bangkay.

Blangko pa umano ang mga pulis sa pagkakakilanlan ng lalaki na tinatayang nasa 30 hanggang 40-anyos.

Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis sa mga kalapit na bayan upang alamin kung may nawawalang lalaki sa kanilang lugar. —LBG, GMA News