Tadtad ng taga nang matagpuan ang mga bangkay ng isang mag-asawa sa paanan ng bundok sa Bugallon, Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Ubando Rodrigo, 54-anyos, at maybahay niyang si Wilma.

Nakita ang bangkay ni Wilma sa loob ng tinitirhan nilang kubo, habang nasa paanan ng bukdok nakita ang bangkay ng kaniyang mister sa Barangay Hacienda.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, mag-iisang buwan pa lang na naninirahan sa lugar ang mag-asawa na ang gawain sana ay linisin ang lupain sa lugar, magtanim ng gulay, at magbantay ng mga maiiwan na heavy equipment.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa krimen at kung sino ang pumaslang sa mag-asawa.--FRJ, GMA News