Pagkaraan ng 14 na taon na pagtatago, nadakip na ang isang lalaki na ilang ulit umanong hinalay ang kaniyang pamangkin na 12-anyos lang noon. Ang biktima, nakitira sa suspek para malapit sa pinapasukang paaralan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing 2006 nang simulang halayin ng suspek ang biktima na itinago sa pangalang "Cindy."

“Hindi niya rin alam na ganon din pala ang ginagawa ng asawa at anak niya dito sa anak ko,” ayon sa ina ni Cindy.

Hindi raw nagawa ng biktima na makapagsumbong dahil sa pananakot ng suspek na papatayin siya at ang kaniyang kapatid.

“Papatayin po ako ganon, na 'wag akong magsusumbong kasi isusunod ‘yung mga kapatid ko,” ayon kay Cindy.

Natuklasan lang ang nangyari kay Cindy nang umuwi siya sa kanilang bahay pagkaraan ng isang taon at mapansin ng ina ang kakaiba niyang ikinikilos.

“‘Di makatulog. Nung ano na po tsaka na namin nalaman kasi nagkakasakit na ng trauma. Hindi naman alam ng doktor kung anong sakit,” ayon sa ina.

“‘Yun nga po sabi niya, mama puputok na. Parang puputok na ‘yung utak ko, sasabog na. Dahil ‘yun nga po kaiisip ng problema niya,” dagdag ng ina.

Kinasuhan ng rape ang suspek noong 2007 at nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kaniya ay nagtago na ito.

Nitong Lunes, bumalik sa Tabaco, Albay ang suspek pagkaraan ng 14 na taon at doon na siya inaresto. 

Ikinatuwa naman ni Cindy ang pagkakaaresto sa suspek.

“Sobrang gaan po sa pakiramdam, lalo na ngayon. Makakapag trabaho na ko ng maayos. Walang iniisip na nananakot sa akin,” ayon kay Cindy.--FRJ, GMA News