Isang magkaibigan at isang magkasintahan ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo sa Ilocos Norte at Pangasinan. Ang mga biktima,  hinihinalang mga nakainom ng alak.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang magkaibigang nasawi na sina Benjo Corpus at angkas niyang si Paul Perez, ng Binalonan, Pangasinan.

Nasawi ang dalawa nang sumalpok sila at pumailalim sa likuran ng isang nakatigil na truck.

Ayon sa driver ng truck na si Andy Balagtas, naka-red ang traffic light at naghihintay sila ng "go signal" nang magulat na lang sila nang may bumangga sa kanilang likuran.

Sinabi naman ng ina ni Corpus na galing sa kanilang bahay ang dalawang biktima at parehong nakainom nang mangyari ang sakuna.

Sa Laoag City, Ilocos Sur naman, nasawi ang magkasintahang sina Paul Vincent Luz, 24-anyos at Julianne Charmagne Ranjo, 19-anyos, nang sumempleng ang kanilang motorsiklo sa bahagi ng bypass road sa Barangay Vira.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nawalan ng kontrol sa manibela ang rider sa pakumbang bahagi ng kalsada.

Galing din umano sa inuman ang mga biktima at may nakita pang case ng beer sa pinangyarihan ng sakuna.--FRJ, GMA News