Inihayag ni Bimby Aquino na nais niyang makasama ang kaniyang inang si Kris Aquino sa simbahan kapag ikinasal na siya.

Sa programang “Fast Talk With Boy Abunda,” ibinahagi ni Bimby, na kasalukuyang single, na umaasa siyang makapag-asawa sa edad na mid-20’s.

"I wanna marry early, quite early. Mid to late twenties. But I'm preferring mid," ani Bimby na 19-anyos na ngayon.

Samantala, sinabi ni Kris na posibleng wala na siya kapag ikinasal na ang kaniyang anak dahil na rin sa kaniyang mga sakit.

“I'm being realistic,” ani Kris.

Sinabi naman ni Bimby sa kaniyang ina na nais niyang maging bahagi ito ng kaniyang kasal, kasama si Tito Boy Abunda, na kaniyang magiging ninong.

Nang tanungin kung gaano kahalaga sa kaniya na boto ang kaniyang ina sa babaeng pakakasalan niya, sinabi ni Bimby na pangunahing prayoridad niya ito.

Paliwanag ng binata, mahalaga na aprubado sa kaniyang ina ang babaeng pakakasalan niya.

"I always promised my mom, Ninong Boy, that my wife will be the love of my life, but you will always be the love of my universe," ani Bimby.

Gayunman, sinabi ni Kris na dapat unahin ni Bimby sa buhay ang kaniyang magiging asawa.

Ani Kris, dapat maramdaman at maging panatag ang babae sa pagmamahal ni Bimby para maging isa itong mabuting ina.

Umaasa rin siya na magiging maayos ang pakikitungo niya sa magiging mga in-law ni Bimby, at mamahalin ng babae ang kaniyang anak sa tamang dahilan.

Nauna nang sinabi ni Bimby na magpapakasal lamang siya sa babaeng buong pusong tatanggap sa kaniyang kuya na si Josh, na nasa autism spectrum. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News