Nasawi habang nakaupo sa ipinapasada niyang tricycle ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinagbabaril ang 58-anyos na biktima habang namamasada noong Linggo ng hapon sa Barangay Bangad.

Bumangga sa dingding ng isang bahay ang tricycle at nakasubsob ang biktima sa manibela nito.

Ayon sa pulisya, mabilis na tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.

Sa follow-up operation ng pulisya, nadakip ang isang suspek na 66-anyos, at itinuturong gunman sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Nakuha sa kaniya ang ilang baril at mga bala, pati ang motorsiklo na ginamit sa krimen.

Inaresto rin ang may-ari ng isang Asian Utility Vehicle na nakita sa CCTV camera na nag-iikot kasama ng motorsiklo ng suspek.

Pero paliwanag umano ng may-ari, ipinahiram lang niya ang kaniyang sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa iba pang salarin.

Nananawagan naman ang pamilya ng biktima ng hustisya, at wala umano silang alam na kaaway nito. – FRJ GMA News