Nasawi ang isang 32-anyos na babae matapos saksakin ng kaniyang kinakasama na hinihinala ng pulisya na labis na nagselos sa Cebu City.
Ayon sa ulat ni Decemay Padilla ng DYSS Super Radyo GMA nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa mismong bahay ng dalawa sa Barangay Basak San Nicolas nitong Miyerkoles ng umaga.
Batay sa impormasyong nakuha mula sa Mambaling Police Station 11 ng Cebu City Police Office, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ang suspek bago naganap ang pananaksak na nasaksihan ng kanilang mga anak.
Nagselos umano ang suspek dahil sa paghihinala nito na may nobyo ng biktima.
Matapos saksakin, agad na isinugod ang biktima sa Cebu City Medical Center ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Tumakas naman ang suspek matapos gawin ang krimen, ngunit agad din siyang naaresto ng mga pulis sa isinagawang hot pursuit operation.
Napag-alaman na 15 taon nang nagsasama ang suspek at ang biktima at mayroon silang tatlong anak.— FRJ GMA News

