Nasawi si Mabuhay, Zamboanga Sibugay Vice Mayor Restituto Calonge at isa pa niyang kasama matapos silang pagbabarilin malapit sa munisipyo nitong Biyernes.

Sa paunang impormasyon na ibinigay ng pulisya, sinabing nangyari ang pamamaril dakong 3:00 pm. na ikinasawi nina Calonge at kasama niyang si Engr. Edgar Pampanga.

Sugatan din ang isa pa nilang kasama na si Abduhari Gapor.

Nag-uusap umano ang mga biktima nang lumapit ang salarin at pagbabarilin sila.

Ilang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na tumakas sakay ng motorsiklo.--FRJ, GMA News