BORACAY ISLAND —Agad na namatay ang isang balut vendor matapos pagtatagain ng kapwa balut vendor sa Barangay Yapak, Boracay Island nitong Biyernes ng gabi.

Sa report ng Boracay Police, kinilala ang biktima na si Janito Descalzo, 56, tubong Dao, Capiz. Kinilala naman ang suspek na si Romeo Tibangin, tubong Pangasinan.

Agad naman umanong rumesponde ang mga tauhan ng Boracay Fire and Rescue Volunteers Incorporated at ng Malay MDRRMO.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nag-away ang dalawa dahil sa presyuhan ng balut sa Boracay.

Ayon sa mga saksi, nakatalikod ang biktima habang nagbabantay ng kanyang paninda nang biglang sugurin at pagtatagain ng suspek.

Nahuli ng mga pulis ang suspek at inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa kanya. —LBG, GMA News