LANAO DEL SUR - Isang bangkay ng babae ang natagpuan sa Barangay Linamon, Ditsaan Ramain, Lanao del Sur noong Sabado ng gabi. 

Kinikilala ang biktima na si Sittie Minah T. Dulangan, 21, estudyante at naninirahan sa Marawi City.

Ayon kay Police Corporal Nor-Raquib Batugan, imbestigador ng kaso, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga concerned citizen mula sa nasabing barangay tungkol sa amoy na hindi kaaya-aya sa kanilang lugar.

Nang puntahan nila ang nasabing lugar ay nakita nila ang isang bangkay na nasa state of decomposition na.

Katabi ng bangkay ang isang backpack na naglalaman ng mga identification ng biktima.

Nang makita nila ito ay agad silang tumawag sa Marawi Police at pinuntahan ang mga kaanak nito.

Na-report na dati sa pulisya na nawawala ang biktima noon pang Pebrero 26.

Pinuntahan kaagad ng mga kaanak ng biktima ang lugar at positibong kinilala ng kanyang tiyuhin na si Jamail Dulangan ang nasabing bangkay. 

Patuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente at inaalam pa ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng biktima. —KG, GMA News