Patay na at sunog ang ilang bahagi ng katawan nang makita ang isang magsasaka sa nasusunog na bahagi ng bukid sa Magsingal, Ilocos Sur. Ang biktima, nagtungo raw sa lugar para linisin ang bukid kung sinunog niya ang mga tuyong dahon.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Hernilo Andallo, 66-anyos, ng Barangay San Ramon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na maaga raw umalis ng bahay ang biktima para pumunta sa bukid upang maglinis.

Pero makalipas ang ilang oras, nakita ang biktima na nakabulagta na sa gitna ng mga nasusunog na damo at dahon.

Malaki na rin umano ang apoy na kinailangan patayin ng mga taong unang dumating sa lugar.

Ayon pa sa pulisya, lumilitaw sa paunang pagsusuri ng duktor na suffocation ang ikinasawi ng biktima.

Tumanggi ang pamilya ng biktima na humarap sa camera at wala pa raw silang desisyon kung ipapa-autopsy pa ang bangkay ng kaanak.

Ang pulisya, magsasagawa pa rin ng imbestigasyon para alamin kung may foul play na nangyari sa insidente.--FRJ, GMA News