Dahil sa matinding galit nang makitang nakikipagtalik sa ibang babae ang kaniyang mister, sinaksak ng isang ginang sa maselang bahagi ng katawan ang babaeng kaulayaw umano ng kaniyang asawa sa Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing kaarawan ng lalaki nang magpunta sa bahay nito sa Barangay Palua sa Mangaldan ang biktimang itinago sa pangalang Leslie, at isa pang kasamang babae para bumili umano ng panindang kamoteng-kahoy.

Nasa bahay din ang suspek na misis ng lalaki na itinago naman sa pangalang Marie, kuwento ng isa niyang kamag-anak.

Dahil inakala raw ni Marie na bibili lang talaga ng paninda sina Leslie at kasamang babae, umalis ang suspek at iniwan ang tatlo.

Pero nang bumalik si Marie sa bahay, inabutan niya ang tatlo na nag-iinuman at kumakain para ipagdiwang ang kaarawan ng mister.

Sinusubuan pa umano ni Leslie ang mister ni Marie.

Nagpigil naman daw sa galit si Marie at pinagsabihan ang tatlo. Inakala raw ng suspek na doon na matatapos ang lahat at aalis na ang dalawang babae.

Pero hindi nagtagal, napansin ni Marie na wala sa kanilang bahay ang kaniyang mister. Kaagad daw na nagtungo ang suspek sa isang kubo at doon na niya naaktuhan ang asawa at si Leslie na nagtatalik.

Sinaksak umano ni Marie sa braso at maselang bahagi ng katawan si Leslie, habang nakatakas ang kaniyang mister.

Matapos ang pananaksak, sumuko sa pulisya si Marie, habang dinala naman sa ospital ang biktima.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Marie, na sinampahan ng reklamo sa piskalya nitong Martes.

Ipapaubaya na umano ng pulisya sa piskalya ang desisyon kung dapat isampa sa korte ang kaso.

Patuloy na nagpapagaling ang biktima na hindi pa nagbibigay ng pahayag, gayundin ang mister ni Marie.--FRJ, GMA News