Arestado ang isang lalaki matapos niyang pagsasaksakin at mapatay ang sariling bayaw sa San Manuel, Pangasinan. Ang ugat daw ng krimen, utang na 'di nababayaran.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Roderick Ventura, 48-anyos, ng Barangay Sto. Domingo.

Naaresto naman at nakakulong ang suspek na si Marcos Pacis, 33-anyos, na aminado sa nagawang krimen.

Nag-ugat umano ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa na humantong sa pananaksak dahil sa utang ng biktima.

"Inutang pero ang tagal niyang 'di nabayaran pero 'di ako makapagtrabahong mabuti," ayon sa suspek.

Hustisya naman ang hiling ng mga kaanak ni Ventura.

Samantala, nakakulong naman sa Magsingal, Ilocos Sur si Vicente Farinas Sr., 66-anyos, matapos niyang mabaril sa dibdib ang sarili niyang anak na si Vicente Jr., na nagpapagaling sa ospital.--FRJ, GMA News