Dahil umano sa tsismis, isang ginang ang namatay matapos pagsasaksakin ng 59 beses ng kaniyang bayaw sa Sta. Catalina, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Marilyn Ramos, 45-anyos, residente ng Barangay Tamorong.

Naaresto naman ang suspek na si Jimmy Ramos, 39-anyos.

Ayon sa mga awtoridad, nagtalo ang dalawa dahil sa umano'y tsismis na humantong sa pananaksak ni Jimmy kay Marilyn gamit ang isang screwdriver.

Paliwanag ng suspek, nagdilim ang kaniyang paningin kaya nagawa ang krimen.

Humingi siya ng tawad sa kaniyang mga kaanak sa nagawang krimen pero desidido ang mga kaanak ng biktima na ituloy ang kaso laban sa kaniya.--FRJ, GMA News