Sa kulungan ang bagsak ng isang 46-anyos na lalaki matapos siyang akusahan ng kaniyang 10-taong-gulang na pamangkin na babae ng panghahalay sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nasa abroad ang mga magulang ng biktima at ang lola nito ang nangangalaga sa bata.

Kasama ng bata na nakatira sa kaniyang lola ang suspek.

Nagsimula umanong abusuhin ng suspek ang biktima noong 2019 at tumagal hanggang 2020.

Ayon sa pulisya, nagkaroon lang ng lakas na loob ang bata na magsumbong sa kaniyang mga magulang nang makausap niya ang mga ito mula sa ibang bansa.

Mariin namang itinanggi ng suspsek ang paratang laban sa kaniya.

"Hindi ko po magagawa 'yan sa mga bata kasi maliliit pa po 'yan nasa amin na" saad niya.

Sabi pa ng suspek, ang asawa niya ang tumayong nanay ng mga bata kaya siya na ang tumayong ama nito.

Nahaharap sa reklamo statutory rape at sexual abuse ang suspek.

Nasa pangangalaga naman ng Department of Social Welfare and Development ang biktima para sa counseling.--FRJ, GMA News