Tatlo katao ang nasawi sa insidente ng barilan sa Umingan, Pangasinan. Ang dalawa sa mga nasawi, nadamay lang umano at naipit sa palitan ng putok.

"Yung sakay ng tricycle, isa sa kanila is namatay doon sa area mismo. Then ito namang isa is kukunin sana yung naipit na anak niya doon sa tricycle, sa kasamaang-palad natamaan din," ayon kay Police Major Rodel Gabatin, hepe ng Umingan Police Station sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes.

Sinabi ng pamangkin ng isa sa mga biktima, na pauwi na sila galing sa palengke nang mangyari ang insidente ng pamamaril.

Napagitnaan daw sila ng putukan nang puntiryahin ng mga salarin ang target ng mga ito na nagawa rin makapagpaputok ng baril.

"Nagbarilan silang dalawa, talagang tutukan 'yon. Kitang-kita ko 'yun nasa sidecar ako," sabi ng pamangkin ng biktima. "Sana magkaroon ng hustisya yung pagkamatay ng tita ko."

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ang motibo ng mga salarin sa nangyaring pamamaril.--FRJ, GMA News