Arestado ang isang lalaki matapos mahuli-cam ang ginagawang pananakit sa menor de edad niyang kinakasama sa Lucena, Quezon. Ang mga awtoridad, nadiskubreng kasama rin sa drugs watch list ang suspek.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, mapapanood sa video na kuha ng kapitbahay, habang sinasaktan ng suspek ang kinakasamang menor de edad.

Ayon sa kapitbahay, hindi ito ang unang pagkakataong sinaktan ng lalaki ang kinakasama.

Agad na ipinadala ang video sa pulisya, at nadiskubre ng mga awtoridad na kabilang ang lalaki sa watchlist.

Nakuha sa lalaki ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P15,000, at buy-bust money nang ikasa ang buy-bust operation laban sa suspek.

Hindi itinanggi ng salarin ang ilegal na gawain.

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang pananakit niya sa kinakasama.--Jamil Santos/FRJ, GMA News