Sumalpok sa windshield at nabalian ng paa ang isang 74-anyos na lola matapos siyang mabangga ng kotseng minamaneho ng pulis sa Bantay, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay Buquig, na tumatawid sa national highway ang biktimang si Gloria Aquino, habang paparating naman ang kotseng minamaneho ni Police Chief Master Sergeant Berbardi Bajog Jr.

Nagdire-diretso sa pagtawid si Aquino hanggang sa nasalpot na siya ng kotse na tumigil din agad.

Ayon kay Bajog, papasok siya sa trabaho nang mangyari ang insidente.

HIndi raw niya napansin ang biktima na inakala niyang titigil habang paparating siya.

"Sa kabila kasi siya lumilingon hindi sa akin na paparating. Ang alam ko hihinto pa siya pero nagdire-diretso," anang pulis.

Hindi raw alam ng mga kaanak ni Aquino na umalis siya ng bahay.

Nagkasundo naman ang magkabilang panig at sasagutin umano ni Bajog ang mga pangangailangan sa ospital ni Aquino na nagpapagaling na sa tinamong pinsala sa katawan.--FRJ, GMA News