Nasawi ang isang ama na nagbenta ng lupa nang hindi nagpapaalam matapos siyang pagtatagain umano ng sarili niyang anak sa Solana, Cagayan.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na ikinagalit ng suspek na si Joel Abogado ang ginawa ng kaniyang ama.

Dahil sa pagbebenta ng kaniyang tatay ng lupa, nagtalo sila na nauwi sa pananaga ng anak sa kaniyang ama.

Isang kapatid ng suspek ang sugatan din matapos magtangkang umawat.

Nahaharap sa reklamong parricide ang suspek, na hindi pa nagbigay pahayag. —Jamil Santos/LBG, GMA News