Naka-strict home quarantine ngayon ang apat na miyembro ng isang pamilya at kanilang driver matapos mapag-alamang peke ang RT-PCR test result sa kanilang pag-uwi sa Iloilo mula sa Cebu.

Iniulat ng GMA regional TV-Iloilo sa "Unang Balita" nitong Biyernes na iniimbestigahan na ng mga awtoridad sa Iloilo kung paano at saan nakakuha ng pekeng RT-PCR test result ang pamilya.

Sa inisyal na imbestigasyon umuwi sa bayan ng Sta. Barbara, Iloilo ang pamilya mula sa Tabuelan, Cebu.

Dagdag pa, sinabi ng ulat na April 24 dumating ang pamilya sa Estancia Port ng Iloilo.

Noong Abril 26, nadiskubre na peke ang RT-PCR test result na kanilang ipinakita sa mga awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. —LBG, GMA News