Arestado ang isang lalaki sa San Jose Del Monte, Bulacan, matapos maaktuhang ginagawan ng kahalayan ang kaniyang menor de edad na kapitbahay.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes, nakitang parehong nakahubo sa damuhan ang suspek na 20-anyos at babaeng biktima na 15-anyos.

Agad na naaresto ang suspek, na inirereklamo ng panggagahasa.

Ayon sa tiyahin ng biktima, nalaman lang nila ang nangyayari nang mabasa niya ang chat sa cellphone nito. Puro raw kabastusan ang mensahe ng suspek sa pamangkin niya.

Sinabihan daw ng suspek ang biktima na huwag magsumbong dahil makukulong siya.

Depensa naman ng suspek, dalawang linggo na silang magkasintahan ng biktima. Hindi rin daw niya ginahasa ang biktima at maliligo lang sila sa ilog kaya wala silang saplot pang-ibaba.

Desidido ang mga kaanak ng biktima na sampahan ng reklamo ang suspek.  —KBK, GMA News