Hindi na makapagdiriwang ng kaniyang kaarawan sa darating na Sabado ang isang 38-anyos na seaman matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jose Penuliar Jr., ng Barangay Maasim, at nito lang nakaraang Pebrero dumating sa bansa.

Habang nagbabakasyon, naisipan ng biktima na magnegosyo sa pamamagitan ng pagbili sa aning gulay ng mga magsasaka at kaniya namang ipagbibili.

Magdedeliber sana ng mga ibebentang talong ang biktima nang pagbabarilin siya ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.

Walang maisip na dahilan ang ina ng biktima para patayin ang kaniyang anak.

Ang pulisya, love triangle ang isa sa mga anggulong tinitingnan dahil malapit umano sa mga babae ang biktima.

Ngunit ayon sa ina ng biktima, sadyang palakaibigan lang ang kaniyang anak.

Umaasa ang kaanak ng biktima na mabibigyan siya ng hustisya at madarakip ang mga salarin.--FRJ, GMA News