Huli sa video ang suntukan ng isang barangay captain at tricycle driver sa Sariaya, Quezon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Sa video, makikitang sinita ng barangay captain na si Richard Pasumbal ang driver na si Axel Brian Baladad dahil sa pagparada sa gilid ng kalsada. Maya-maya lang ay makikitang nagsusuntukan na ang dalawa.

Nang humupa ang gulo ay makikitang umuwi na ang driver ngunit sinundan siya ng barangay kapitan at bumunot pa ito ng baril.

Ayon kay Pasumbal, uminit ang ulo niya dahil paulit-ulit na nilang sinisita si Baladad sa pagparada sa bawal na lugar.

Depensa naman ni Baladad, ayaw siyang papilahin ni Pasumbal kaya sila nagkainitan. Sasampahan daw niya ng reklamo ang barangay captain. --KBK, GMA News