Nasawi ang isang 49-anyos na ina matapos siyang mabagsakan ng malaking puno ng acacia sa Bugallon, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Mary Jean Vinluan, ng Barangay Pantay.

Pumanaw si Vinluan dalawang araw matapos siyang madala sa ospital dahil sa matinding sugat na tinamo sa ulo at katawan.

Ayon sa kasamahan ng biktima, napansin niya na umuga ang itaas ng puno na inakala niya noon ay lumilindol lang.

Hanggang sa bigla na lang umanong bumagsak ang puno at tinamaan ang biktima.

Hindi naman ngayon maisip ng mister ng biktima kung papaano niya palalakihin na mag-isa ang dalawa nilang anak.

Handa naman daw ang mga opisyal ng barangay na magbigay ng tulong sa pamilya ng biktima.

Pag-uusapan din daw ng mga barangay official ang hakbang tungkol sa pagpuputol ng mga punong may dalang peligro sa mga tao.--FRJ, GMA News