Nasawi ang isang 63-anyos na lalaki matapos masalpok ng motorsiklo ang sinasakyan niyang bisikleta sa Vintar, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Merlito Tunac.

Sa kuha ng CCTV, makikita na natumba ang rider at angkas sa motorsiklo pero kaagad din silang nakatayo.

Pero si Tunac, nasawi matapos tumama ang ulo sa semento.

Ayon sa pulisya, nagkausap at nagkasundo na ang rider at ang mga kaanak ng nasawing siklista.

Lumitaw sa imbestigasyon na balak umano ni Tunac na tumawid sa kabilang kalsada pero hindi niya napansin ang paparating na motorsiklo na nakabangga sa kaniya.

Sa Rosario, La Union, nasawi naman ang isang 50-anyos na babae habang kritikal ang kaniyang kinakasama matapos bumangga ang sinasakyan nilang tricycle sa isang SUV.

Sinampahan na ng kaso ang driver ng SUV.

Sa Binalonan, Pangasinan, isang hindi nakikilalang lalaki ang nasawi nang mabundol naman ng isang kotse.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima.--FRJ, GMA News