Ipinatawag sa barangay at pinagsabihan ang isang ginang sa Zamboanga City dahil sa pananakit niya sa sariling anak na may kapansanan.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa video ang bata na nakaupo sa tila stroller habang nagwawalis naman sa loob ng bahay ang ina.

Hindi raw matigil ang bata sa pag-iyak at maya-maya lang ay sinipa na siya ng kaniyang ina at natumba.

Ayon sa kapitan ng barangay, nakausap na ng social worker ang ina.

Idinahilan niya na nagawa niya ang pananakit sa anak dahil sa problema umano sa pera.

Nangako ang ina na hindi na uulitin ang ginawang pananakit sa anak.

Nagbabala naman ang mga awtoridad na kakasuhan na ang ina kapat naulit pa ang insidene.--FRJ, GMA News