Paalala, maselan ang paksa

Sa Malabon, may mga mister na binansagang "Big 15" dahil sa laki ang maselang bahagi ng kanilang katawan na tinurukan ng petroleum jelly. Pero kaakibat ng paglaki ng kanilang ari, ang malaki rin nilang problema ngayon.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing mga gumagawa ng lambat ang 15 mister na nahikayat ng isang kapitan ng bangka na magpaturok ng petroleum jelly.

Ang naturang kapitan ng barko, nauna nang nagturok sa kaniyang ari ng petroleum jelly para lumaki.

Nang mahikayat ang mga mister, kaniya-kaniya na sila ng bili ng hiringgilya at itinurok sa kanilang mga ari ang petroleum jelly na tinunaw sa pamamagitan ng pagbabad sa mainit na tubig.

Ang kanilang mga misis, laking gulat daw nang unang malaman ang ginawa ng kanilang mga mister. May nagreklamo na naging mahirap sa kanila ang pakikipagsiping sa asawa.

Pero ngayon, nagsisimula nang mabahala ang mga mister dahil nakararamdaman na sila ng hindi maganda sa kanilang ari tulad ng pangangati, kumikirot, namamaga at magkakaroon na rin ng bukol.

Bagaman nais na ilan sa kanila na alisin na ang petroleum jelly, nalula naman sila sa laki ng posibleng gastusin na aabot sa P100,000.

Kaya ang siyam sa 15 niyembro ng grupo, nagpatulong upang masolusyonan ang kanilang big problem. Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News