Dinakip ng mga pulis ang isang ama dahil sa ginagawang panghahalay sa 15-anyos niyang anak sa Bulacan. Ang ina ng biktima, nangibang-bansa para magtrabaho.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing 40-anyos ang suspek at isang factory worker sa Marilao, Bulacan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimulang halayin ng suspek ang anak noong 2016 nang magtrabaho sa ibang bansa ang kanilang ilaw ng tahanan.

Sinabi ng biktima, hindi siya nakapagsumbong noon dahil sa takot na baka walang maniwala sa kaniya.

Pero dahil din sa takot na baka sunod na halayin ng ama ang kaniyang kapatid, nagpasya na siyang magsumbong sa isang pastor.

Inamin naman ng ama ang ginawang kasalanan at humihingi siya ng tawad sa nagawa.

Mahaharap ang suspek sa kasong rape at child abuse.

Alam na rin ng ina ng biktima ang nangyari at nagbilin na ituloy ang kaso laban sa kaniyang asawa.--FRJ, GMA News