Taga sa leeg ang inabot ng isang 38-anyos na lalaki mula sa babae na kaniyang umanong tinangkang halayin sa Abra. Ang babae, pinsan pa man din ng lalaki.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nagluluto noon ang 37-anyos na babae nang tinangka siyang gahasain ng lalaki sa Barangay San Isidro, Lagangilang sa Abra.

Nakakuha ng patalim ang babae at tinaga niya ang kaniyang pinsan lalaki na nagtamo ng malalim na sugat.

Sinampahan ng sexual assault ang lalaki, habang itinuring na pagtatanggol sa sarili ang ginawang pananaga ng babae.--FRJ, GMA News