Arestado ang isang tatay matapos patayin sa saksak ang dalawang anak na babae na edad walo at siyam.

Iniulat ni Mark Makalalad sa Dobol B TV nitong Huwebes na nangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi sa Barangay Western Poblacion, Baras, Catanduanes.

Ayon sa ulat, lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na rumesponde ang mga awtoridad sa Baras sa isang tawag mula sa Barangay Poblacion na nagsabing maglalaslas umano ang kaniyang asawa.

Ngunit ang nadatnan ng mga pulis ay pawang nakahandusay at duguang mga batang babae.

Inatake umano ng suspek ang rumespondeng mga pulis gamit ang kutsilyo kaya pinaputukan ng baril at nagtamo ng tama ng bala sa hita.

Agad naman umanong isinugod ang sugatang suspek at mga bata sa hospital, ngunit hindi na nakaabot na buhay sa pagamutan ang dalawang bata.

Nakatakdang sampahang ng kaso ang suspek pagkalabas nito sa ospital dahil sa pagpatay sa kanyang dalawang anak. —LBG, GMA News